Dyip Ng Pag-Ibig

Adapted from our school literary portfolio. Read it many times and it still makes my heart bleed. Nakakarelate kasi ako.

May libreta akong napulot. Binasa ko ito at nagsimula kong madama ang daing ng isang nilalang. Nasabi kong hindi ako isang sawi…

Dear Diary,

Ika-5 ng Setyembre taong dalawang libo’t dalawa.

Habang ako ay nag-aayos sa kwarto ng umagang iyon, aking naisip ang mga bagay na aking ginawa. Lalo kong pinahalagahan at binigyang pansin ang pintig ng puso, ang nadarama nito… ang nadarama ko para kay Louie…

Pagod na ako, hindi ko na kayang maghintay. Kung para sa kanya ako’y wala lang, bakit ko pa kailangang sapilitang ipasok ang aking sarili sa kanyang mundo? Bakit nga kaya diary? Bakit nga kaya? Mahal ko si Louie, handa kong ibigay ang lahat sa kanya ngunit wala akong puwang sa makitid niyang puso. Ang pag-ibig ay hindi mabubuo kung walang nadarama ang isa, kahit na gaano pa kalaki ang pagmamahal na nais kong ialay ay wala pa ring mangyayari! Ano ang gagawin ko diary? Ano? Sana’y nakapagsasalita ka para masagot ako pero mabuti na rin na hindi dahil baka ipagkalat mo pa ang sikreto ko! Tulad ng pagkakataong si Louie ang nakatagpo sa aking panyo, siya ang nakadampot ng pinakamamahal kong birang. Pero kahit gaano ko pa pinahalagahan iyon, pinabayaan ko lang sapagkat alam kong pinahahalagahan niya rin iyon, sana nga ingatan niya. Ang isa pang pagkakataon ay nang nanuyo ako sa kanya, grabe napakalalim ng dimples niya sa pisngi at sabay na lumiliit na tila nawawala ang kanyang mga mata sa tuwing siya ay tatawa o ngingiti kasama ng kanyang barkada, kaso nga lang sa ibang babae siya nakatingin, sayang sana ako na lang iyon. Ang isa pang alam kong pagkakataon ay nang nakita ko siyang naglalakad sa pasilyo. Malakas ang sabukay ng hangin ng panahong iyon at tila lalo pang ginugulo ang kanyang buhaghag na buhok. Napakagulo ng buhok niya kung minsan dahil nakakalimutan niya ‘atang maglagay ng pomada pero kahit gaano pa kagulo ito ay nananatili pa rin akong nahuhulog sa kanya. Alam mo ba diary, napagtanto ko nitong mga nakaraang araw na mas gusto ko pala siya kapag magulo ang kanyang buhok, mukha siyang inosenteng bata kahit minsan (sa katotohanan) ay kalog siya. Hay nako diary, napakasarap balikan ang mga pangyayaring iyon ngunit parang gusto ko ng tumigil sa pagtingin sa mga tala sa gabi. Parang gusto ko ng kumawala sa kanyang hawla. Ang hawlang pumapalibot na ako rin mismo ang may gawa, ngunit saan ako pupunta? Ang mundo ko ay umiikot lamang sa kanya. Napakatanga ko diary! Sa tuwing siya’y lalapit parang gusto kong mahimatay sa kanyang bisig kahit alam kong hindi niya ako sasaluhin. Titigil na ba ako diary? Ang aking paligid na puno ng humahaginit na tunog ang siyang nagpapaalala sa akin ng panahong ako’y naglalakbay.

Aking naisip na ang pag-ibig ay parang isang byahe. Ito ay may simula, ang aming unang pagtatagpo at ang pagkakataong nalaman ko na may nararamdaman pala ako para sa kanya. Ang pag-ibig ay mayroon ring gitna, ang panahong puno ng pangarap at pag-asa. Ito ang panahong puno ng kagalakan, siya’y aking nakikita at kung minsan ay nakakasama. Ang dyip ay nangangailangan din ng pamasahe, ang pagmamahal na aking nadarama ay handa kong ialay. Ang oras rin ay kailangan, pagbibigay ng aking oras para siya ay tulungan at para rin magnilay at idalangin na siya ay maging akin. Alam mo ba diary na sa isang biyaheng mahaba ay kailangan mo rin ng kasama, kahit papaano ay dalawa kayo. Ganito rin sa pag-ibig nakakalungkot kung iisa ka lang, nakakapagod maupo sa dyip kahit gaano pa kalambot ang upuan at kahit gaano kaluwang at kakomportable ang pag-ibig ko kay Louie, nananatili pa rin siyang nakasabit. Kaya tuloy heto ako, nag-iisa, natutuyuan na ng laway sapagkat walang makausap. Ang pag-ibig ay nangangailangan ng dalawang taong nagmamahalan. Hindi isa diary! Tatagal rin at mangangawit ang iyong panga dahil sa pakikipag-usap sa taong hindi man lang nakakarinig, wari’y pipi na ay bingi pa. Ilang sandali pa at bibigay ka rin, maaalinsanganan sa init. Kailangan mong tumingin sa harap ng dyip at alamin ang paroroonan, ilang sandali lang ay sisigaw ka na ng para. Oo diary, ang pag-ibig na katulad ng isang byahe ay mayroon ring wakas. Kakailanganin ko ring isipin ang aking sarili, pagod na ako sa kahihintay sa kanya! Hindi ko na siya kailangan pang samahan sa kanyang paroroonan, dapat na rin akong bumaba sa dyip ng pag-ibig kung alam kong mali ang aking sinakyan at wala akong patutunguhan. Marahil alam niya na ang landas na kanyang tinatahak at sa aking pagbaba, alam ko na hindi ako dapat matakot sa pagsakay muli sa bagong dyip at ang aking dalangin, nawa’y itungo ako sa taong magmamahal sa akin.

Sumakay man akong muli ay maaaring baon ko pa rin ang kanyang alaala. Hindi ko masasabi na siya’y hindi ko na makakasama dahil baka sa dyip na aking sinasakyan ay sumunod siya at ako naman ang kanyang kakausapin pero mananatili akong walang kibo. Sana bago pa ako bumaba ay pigilan niya ako, huwag niya na sana akong hayaang magsawa sa kakaupo. Mahal ko siya at sa kanya lang umiikot ang mundo ko, sa kanya umiikot at naglalakbay ang dyip ng pag-ibig pero… maaari pa rin akong bumaba kahit na mahirap maglakad sapagkat mas mabuti na ang maglakad ng mag-isa kaysa magpakapagod sa kahihitay na magsalita ang isang taong wala naman ‘atang dila, mahirap maghintay sa taong nakatingin na sa iba… sa taong iba ang nagmamay-ari ng puso.

Nagwawakas,
Jenine

Ako’y napaiyak. Talos ko ang kanyang nadarama. Masakit, mahapdi’t makirot ang puso. May tinik na nakaturok sa bawat hibla ng ugat nito. Ngayon, handa na rin kaya akong bumaba?

~ by pipsqueak08 on 24 June 2008.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: